Advertisement

Behind the June/July 2026 Issue: Ang Pagbuo ng Isang Edisyon Nakasalin sa Filipino

Photographed by Mcaine Carlos

Sa pagsisimula ng isang bagong yugto para sa Vogue Philippines, bawat kuwento ay isang paglalayag pabalik sa sariling pinagmulan.

What makes a Vogue Philippines image? In this column, multimedia artist Mcaine Carlos shares stories from on set and gives a behind-the-scenes look at the making of each issue. This month’s Behind the Pages is written in Filipino, in celebration of Vogue Philippines’ first issue with stories translated into its mother tongue.

May mga salitang hindi natin namamalayang matagal na palang naghihintay na muling mabigkas.

Sa isyung Hunyo-Hulyo ng Vogue Philippines, ilan sa aming mga tampok na kuwento ay isinalin sa Filipino, bilang isang paraan ng pagsasalaysay na higit na malapit sa aming pinanggagalingan. Mga kuwento ng pag-uwi, ng pagkilala sa sarili, at ng pagmamahal na hindi na kailangang isalin upang lubos na maunawaan.

Sapagkat ang pagpili ng wika ay isa ring mensahe. Hindi lamang ito paraan ng pagpapahayag kungdi isang uri ng tahanan. Isang lugar kung saan walang nawawala sa pagitan ng nararamdaman at nasasabi.

Habang binubuo ang isyung ito, napansin naming magkakaiba man ang mga kuwentong aming sinusundan, iisa ang direksiyong tinatahak ng mga ito. May kani-kaniyang anyo ang pag-uwi. Minsan ito ay pagbabalik sa isang bansa. Minsan sa isang tahanan. Minsan sa isang wikang matagal nang nasa loob natin, naghihintay lamang na muling gamitin.

May sariling klima ang tuwa, at ito ang unang naramdaman namin kay Tallulah Proulx, ang pinakabatang Pilipino na lumahok sa Winter Olympics. Malayo sa niyebe, sa gitna ng liwanag ng studio, may dala siyang sigla at tuwa.

“Umaasa akong ma-inspire ko ang iba na sundan din ang sarili nilang mga pangarap, at balang araw ay maranasan din ang mga naranasan ko,” ani Tallulah.

Ngunit sa bawat ngiti at halakhak, naroon pa rin ang kaba at pananabik ng isang batang unang beses pa lamang makakaranas ng isang bagay na matagal na niyang pinapangarap.

Photographed by Rojan Maguyon for the June/July 2026 Issue of Vogue Philippines
Photographed by Rojan Maguyon for the June/July 2026 Issue of Vogue Philippines

Bago ang shoot na ito, hindi pa siya nakakaranas ng fashion o beauty shoot. Kaya nang maupo siya sa high chair para ayusan ng buhok at makeup, tila nabuhay ang isang eksenang dati’y napapanood lamang niya sa mga video ng Vogue

Kung paano siya napapangiti sa bawat ipinapakitang layout, kung paano siya tumatawa sa maliliit na sandali sa set. May bagay sa paghanga niyang iyon na nagpapaalala sa amin na sa kabila ng kasaysayang kaniyang naisulat, nananatili siyang bukas sa mundo.

Marahil, iyon ang tunay na kahulugan ng pagre-representa. Hindi lamang ang pagdadala ng bandila sa ibang bansa, kundi ang pagdadala rin ng pusong marunong pa ring mamangha, at pusong nananatiling Pilipino saan man ito dalhin.

Sa isang compound sa Maynila, sa pagitan ng mga lumang bahay, nagsasalubong na kable ng kuryente at mga pader na bakas ang paglipas ng panahon, doon namin nakasama si Conrad Ricamora. Isang Filipino American actor na matagal na nasa mga entablado sa ibang bansa, ngunit sa araw na iyon, tila may isa pa siyang pagbabalik na higit pa sa isang bagong papel sa A Chorus Line.

Hindi siya nag-iisang dumating. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Peter, na naging bahagi rin ng shoot. Kung si Conrad ay sanay na sa harap ng kamera, si Peter ay hindi. Ngunit sa halip na mahiya, ang presensya niya ang naging dahilan upang maging mas magaan ang buong araw.

“Mas ramdam kong nasa bahay lang ako kapag kasama ko ang taong pinakamamahal ko,” kuwento ni Conrad.

Photographed by Mcaine Carlos
Photographed by Mcaine Carlos

Ngunit hindi lamang ang taong kasama niya ang nagbigay ng pakiramdam ng tahanan. Nandoon din ang lugar mismo. Sa loob ng isang tahanang may arkitekturang Pilipino, suot ang likha ng mga Filipino designer, tila unti-unting nagsanib ang iba’t ibang bahagi ng kaniyang pagkatao. Ang artistang hinubog ng sining. 

“Ramdam ko ang malasakit. Kapag kasama ko ang kapwa Pilipino, pakiramdam ko ay inaalagaan ako bilang tao. Bihira iyong maranasan. Sa unang hakbang ko pa lamang dito, para na akong nakauwi.”

Marahil iyon ang init na matagal nang hinahanap ng maraming Pilipinong nasa ibayong dagat. Hindi lamang init ng panahon, kundi init ng pagtanggap. Isang uri ng pag-aaruga na hindi kailangang ipaliwanag, dahil agad itong nakikilala ng katawan. Sa araw na iyon sa Maynila, hindi lamang bumalik si Conrad sa Pilipinas. Para bang may bahagi rin ng kaniyang sarili ang nakauwi.

Photographed by Artu Nepomuceno for the June/July 2026 Issue of Vogue Philippines
Photographed by Artu Nepomuceno for the June/July 2026 Issue of Vogue Philippines

Bago pa man kami makapasok sa bahay ni Wynn Wynn Ong, dama na ng pangkat ang enerhiya ng aming patutunguhan. Sariwang hangin, mga punong sumasabay sa ihip nito, at ang banayad na tugtog ng wind chimes.

Para kay France Ramos, ang multimedia artist na kasama sa shoot, tila iyon na rin ang naging tono ng buong araw. “Ramdam ko ang kalmadong enerhiya ng buong team, at sa tingin ko, iyon din ang makikita ng mga tao sa mga larawan,” aniya.

Dahil matagal nang magkakilala ang ilan sa mga editor at si Wynn Wynn, may gaan sa buong set, tila mga kaibigang matagal lamang na hindi nagkita.

Inaasahang matatapos ang shoot pagsapit ng alas kuwatro ng hapon. Ngunit nang biglang lumitaw ang paglubog ng araw sa ibabaw ng dagat, alam ng lahat na may mga sandaling hindi dapat madaliin. “Nakakatuwang makita kung paanong ang mga ideyang naisip lamang sa sandaling iyon ang siyang napupunta sa mismong pahina,” dagdag ni Ramos.

May bahagi rin ng kuwento ni Wynn Wynn na tumatak sa kaniya, ang paglalakbay niya bilang isang “accidental jeweler.” Mula sa suporta ng magaling niyang mga kaibigan na sina Chito at Ricky, na siyang unang nakakita ng potensiyal sa kaniya bilang artist, natuklasan ni Wynn Wynn ang kumpiyansa upang ituloy ang kaniyang talento. Isang paalala na ang sining, kadalasan, ay hindi natin natatagpuan nang mag-isa, ito ay itinuturo sa atin ng mga taong unang naniwala.

At siyempre, hindi kumpleto ang pagbisita sa isang tahanang Pilipino kung walang pagkain. Mula empanada hanggang iba’t ibang kakanin, hindi naubusan ng laman ang mesa. Doon nagsimula ang mahahabang kuwentuhan.

At bago umalis ang grupo, sinigurado ni Wynn Wynn na may dala silang chips pauwi. Ang pagpapakain sa panauhin, sa kabila ng lahat, ang pinaka-Pilipinong bahagi ng buong araw.

Sa tahanan ni Wynn Wynn kung saan ang bawat sulok ay may layunin, at bawat hardin ay may kuwento para sa kaniyang mga apo, natutunan naming ang tahanan ay isang bagay na patuloy na binubuo sa pamamagitan ng pag-aalaga, pagbabahagi at pagbubukas ng pinto para sa iba.

May mga lugar na hindi kailangang magpakilala. Sa unang hakbang pa lamang sa Tauhai Villa, dama na agad ang katahimikan. Hindi ang katahimikang walang laman, kundi iyong puno ng huni ng ibon, ihip ng hangin, kuliglig sa damuhan at agos ng tubig sa di kalayuan.

Para kay Gabriel Yap, manunulat ng cover story, iyon ang unang bagay na tumatak sa kaniya.

“Parang hindi nakikipagtagisan ang bahay sa kalikasan,” aniya. “Sa halip, para itong unti-unting nawawala sa loob ng tanawin.”

Sa paglipas ng araw, napagtanto niyang hindi pala ang bahay ang tunay na paksa ng kaniyang sinusulat.

“Akala ko noong una, kuwento ito tungkol sa isang magandang bahay. Pero nang makarating ako roon, naisip kong hindi pala ang bahay ang sentro ng kuwento. Ang tunay na paksa ay ang ugnayan nito sa kapaligiran.”

Gone trekking in a NERIC BELTRAN shawl, which envelopes a RHETT EALA mesh column dress embroidered with floral sequins in pink, yellow, and blue. Photographed by Artu Nepomuceno for the June/July 2026 Issue of Vogue Philippines
In homage to the daster or Filipino house dress, this ZIV REI ALEXI piece features a pleated shoulder to resemble a scrunched-up sleeve meant for humid weather, or a rolled-up shirt “like you’re about to get into a fight,” he explains. Photographed by Artu Nepomuceno for the June/July 2026 Issue of Vogue Philippines

Habang kausap niya ang arkitektong si Ponce Veridiano, may isang bagay na paulit-ulit na bumalik sa kaniya. Hindi nagsisimula ang bawat desisyon sa pagguhit ng plano. Nagsisimula ito sa pakikinig.

“Bawat desisyon sa disenyo ay tila nagsimula muna sa pakikinig sa lupain, hindi sa pagpipilit ng isang ideya,” kuwento ni Yap. “Parang nakikipagtulungan siya sa kalikasan, hindi sinusubukang kontrolin ito.”

Marahil iyon din ang pinakapayapang bahagi ng buong shoot. Walang nagmamadali. May mga sandaling kusang humihinto ang buong team upang namnamin lamang ang paligid. At gaya ng maraming produksiyong Pilipino, tuwing break ay kusa ring nagtitipon ang lahat sa paligid ng pagkain. Mas dumadaloy ang kuwentuhan, mas gumagaan ang trabaho, hanggang sa ang buong team ay hindi na lamang magkakasamang nagtatrabaho, kundi mga panauhing pansamantalang nakikitahan sa isang tahanan.

Hindi man laging bukas sa publiko ang Tauhai Villa, umaasa si Yap na may mas malalim na bagay na maiuuwi ang mga mambabasa kaysa paghanga sa arkitektura.

“Ipinapaalala ng Tauhai Villa na hindi kailangang mangibabaw ang magandang disenyo sa kaniyang paligid. Minsan, sapat nang maunawaan ang isang lugar at hayaang iyon ang manguna.”

Sa huli, marahil iyon din ang isang anyo ng pag-uwi. Hindi ang paghubog sa isang lugar ayon sa ating kagustuhan, kundi ang pagkatutong makinig muna sa kung ano ang matagal na nitong gustong sabihin.


Kay Tallulah, ang pag-uwi ay ang pagdadala ng Pilipinas sa pinakamalamig na bahagi ng mundo habang nananatiling buo ang paghanga ng isang batang unang beses pa lamang tumutupad ng pangarap. Kay Conrad, ito ang muling maramdaman ang init ng tahanan sa piling ng mga taong kapwa niya Pilipino. Kay Wynn Wynn, ito ang paglikha ng isang tahanang laging may nakahandang upuan at pagkain para sa sinumang darating. At kay Ponce Veridiano, ito ang pagpiling makinig muna sa lupain, sapagkat ang tunay na paglikha ay nagsisimula sa paggalang sa pinagmulan.

Marahil, iyon din ang ginagawa ng wika. Hindi lamang nito inilalarawan kung sino tayo. Unti-unti rin nitong binubuo ang ating pagkakakilanlan. Sa bawat salitang pinipili nating gamitin, sa bawat kuwentong pinipili nating ikuwento, muli nating natatagpuan ang mga tao, lugar, at alaalang humubog sa atin.

Habang nagsisimula ang bagong yugto ng Vogue Philippines sa pamumuno ni Trickie Lopa, dala namin ang parehong paniniwalang gumabay sa isyung ito. Ang wika ay buhay. Lumalago ito sa bawat kuwentong naipapasa, sa bawat tinig na nadaragdag, at sa bawat Pilipinong nakakakita ng sarili sa mga pahinang ito. Kung tahanan ang wika, hangad naming sa tuwing bubuksan ninyo ang Vogue Philippines, may bahagi ng inyong sarili ang muling makauuwi.

Vogue Philippines: June/July 2026

₱595.00
More From Vogue

Mcaine Carlos

Editor
Share now on:
FacebookXEmailCopy Link

To provide a customized ad experience, we need to know if you are of legal age in your region.

By making a selection, you agree to our Terms & Conditions.